Eto, magpe-Pebrero na tayo at hindi ko pa nalimbag ang roundup nitong Lasang Pinoy 4.5! Inabot na ng Lasang Pinoy 6. Nakakahiya ah! Kaya nga Tinagalog ko na — este, Taglish pala, kasi hindi rin naman perpekto ang Tagalog ko…. pero para na rin hindi maintindihan ng mga kanong pinakamalaking porsyento ng bisita ko dito, hehehe….. at ayoko rin naman kasing parang nagpapahangin ng maruming labada (haha, tama bang pagsasalin ‘yun?).
Pero hindi lang ‘yan ang dahilan kaya naging Tagalog ‘tong post na ‘to. Nitong ilang linggong nakaraan, marami akong napasyalang food blog na sa katutubong wika nakasulat, at naisip ko, bakit iisa lang yata ang food blog na Pinoy ang salita? ‘Yung kay Manong Roy (okey, so hindi purong food ‘yon, pero masarap pa rin!). Hindi naman masama na Ingles ang mga food blog natin. Tama rin naman kasi nga global ang mambabasa natin, kaya maganda global din ‘yung lengguwahe. Lalo pa ‘ala namang pagsasaling-Tagalog ang Gugel. Pero siguro lalong mas maganda kung paminsan-minsan sa katutubong wika tayo magsulat, ano sa tingin n’yo? Ako matutuwang magbasa ng mga katha sa Panggalatok, Chabacano, atbp. kahit hindi ko naiintindihan. Iniisip n’yo na siguro, ano bang kinalaman nitong pinagsasasatsat ko dito sa Lasang Pinoy 4.5? Kasi sama-sama na siguro lahat ng naramdaman ko tungkol sa isyung ‘to n’ong lumabas ‘yang pangongopyang ‘yan. Ang isa pang naka-kalabit nitong pagdidili-dili ko eh ‘yung e-mail na nakailang ikot na sa buong mundo at natanggap ko — na naman — n’ong isang araw…. (susunod na ‘yung link)…
Pagpasens’yahan n’yo na ‘ko dahil Sikolohiya ang natapos ko. Madalas kong nai-u-ugnay ang mga gawain natin sa pag-iisip at pagkatao natin. Kaya sana naman ay mapagbigyan n’yo ang pagmumuni-muni ko dito….
Bakit nga ba kailangan nating mangopya? Hindi ba sangkatutak ang Pilipinong mahuhusay sa pagkatha, pagguhit, atbp.? (Pag nagbabasa nga ako ng mga sinulat ng ibang Pinoy nanliliit ako sa hiya eh.) ‘Yan lang ‘yung mga kilala. Napakarami ng mga hindi nababanggit sa d’yaryo o sa telebisyon pero hindi ibig sabihin n’on na walang halaga ang kanilang ginawa. Bakit sa dinami-dami ng likas na talino at kahusayan ng Pinoy, hindi pa rin maiwasan ang pangongopya? Hindi kaya dahil kulang tayo sa kumpiyansa sa ating sarili at sa kaya nating gawin? O baka naman simpleng katamaran lang talaga? Ang mahirap kasi hindi lang likas na ‘yan sa ugali ng ibang tao, kundi kinukunsinti pa ng mga taong nasa katayuan para labanan at pigilin ‘yang ganyang gawain. Sige, korni ngang pakinggan ang “Pinoy pride”, pero anong mangyayari sa mga kabataang Pinoy kung ganyan ang nakikita nilang halimbawa ng mga nasa paligid nila? Magsisilaki na lang ba sila na kung ano ang madaling paraan ay ‘yun ang pipiliin? ‘Yung hindi kailangang magbanat ng buto? Hindi kailangang mahirapan? Hindi kailangang gamitin ang kukote at mga kamay? At paano ba namang mapupukaw ‘yang ganyang hangarin sa kabataan kung ang panggagaya at pangongopya ay bahagi na ng araw-araw na pamumuhay? Kailangan bang pekeng Gucci ang suot natin para tayo mapansin? Kailangan bang napanood natin ang pinakabagong pelikula at nakakain tayo sa pinakabagong kainan? Ilang halimbawa lang ‘yan.
Hindi lang pangongopya. ‘Yun ding palagay ng ilan sa atin na maaari nating pagsamantalahan ang isa’t-isa at okey lang dahil maliit naman, kung meron man, ang parusa. Oo nga, hindi ito nangyayari sa Pinoy lamang, pero dahilan ba ‘yan para pabayaan natin at kunsintihin? Kung hindi matuturuan ang kabataan ngayon na hindi ganito ang tamang pakikisama sa kapuwa, ano sa palagay natin ang mangyayari sa kinabukasan? Marami sa atin ang umaasa na mababago pa ang Pilipinas. Pero sino bang niloloko natin? Ang malaking pagbabago ay nagsisimula muna sa maliit.
Kung sakaling hindi n’yo pa nalalaman, ang blogging event na Lasang Pinoy ay hindi lang tungkol sa pagkain. Kalakip na nito ang pagmamahal sa ating kasaysayan. Kasunod na rin d’yan na kung mahal natin ang sarili natin at ang ating kapuwa, hindi tayo kailangang magsamantala sa isa’t isa. Maaari tayong magtulungan. Kung baga kay Stephen Covey eh ‘yung tinatawag na “win-win”. Bago tayo makaimpluwens’ya ng maganda sa mundo, kailangang mag-umpisa sa sarili, sa pamilya, sa lipunan, sa bansa. Maliit lang itong Lasang Pinoy kung iisipin ang libu-libong problema ng Pilipinas. Pero kahit man lang dito sa food blogosphere ay may maidulot tayong kabutihan.
Kung may nakikita tayong pagkain na nakapahayag sa paborito nating Pinoy food blogger, hindi ba ang pinakamabulaklak na pagpuri ay ang paghahanda ng lutuing ito, at pagsasabi sa kinauukulan na nagustuhan natin ang resetang ibinigay n’ya? Hindi rin tayo kailangang mambola. ‘Yung hindi lang tayo mang-agrabyado ng kapuwa, kadalasan, ay sapat nang pasasalamat.
Marami tayong lutong Pinoy na hindi kilala ng kapuwa Pinoy. Marami tayong pagkain na hindi alam ihanda at lutuin ng kabataan ngayon. Naniniwala ako na ang pagkain ay isa sa unang-unang paraan para makilala ng isang tao ang kanyang lahi at kultura. Naiintindihan ko ang kagustuhang sumubok at tumikim at magluto ng pagkaing banyaga, ganyan din ako. Huwag lang nating kalilimutan ang pagkaing Pinoy. Hindi na natin kailangang i-kumpara pa sa luto ng mga Thai o ng mga Pranses, atbp. Ang lutong Pinoy ay Lasang Pinoy, masarap at maipagmamalaki. At kung inyong mapapansin, ang salita at pagkain, magkahawak-kamay din.
Ginawa ni Celia (English Patis) ang kalaway-laway na Chestnut Squares ni Stel (Baby Rambutan).
Niluto naman ni Sha (WanderlustSha) ang Paksiw na Pata ni Lani (Lei Orchid).
Halu-halo ang napiling ihanda ni JMom (In Our Kitchen) — hindi ang halu-halong panghimagas at pang-minindal, kundi halu-halong luto ng iba’t-ibang Pinoy food blogger! Mala-piyesta! Basahing mabuti ang kuwento ng bawa’t putahe.
Naiibang Chico Lassi naman ang inihanda ni Kai (Bucaio), galing kay Boo (Masak Masak) na taga-Malaysia.
Matingkad na lila ang Puto Bungbong ni Kayli (Ang Sarap Talaga/Pinay in Singapore) na kuha ng mahusay na litratistang si Jeff (Dubai Chronicles).
At katakam-takam ang Pansit ni Scanns na luto ni Mang Mike.
Hayan! Makikita n’yo naman na hindi ganoon kahirap ang humingi ng pahintulot bago humiram o gumamit ng pinaghirapan ng iba. Mababait naman kaming food bloggers, sa maniwala kayo’t hindi:D!
Maraming salamat sa mga nakiramay sumali. Kahit na nagkalat tayo sa daigdig, sama-sama pa rin sa blogosphere, o di ba? S’ya, sabi ni Miss Ting magluto na kayo ng pulutan at kumain na tayo!
Hanggang sa susunod na kabanata ng Lasang Pinoy….
Nakupo, tapos na pala ang Lasang Pinoy 4.5 natin, hindi ko pa rin naisusumite ang entry ko 🙂
Maaaring ang ganitong nakasanayan ng pinoy na pangongopya ay nag-ugat din sa iba’t ibang impluwensiya ng mga bansang nakasakop sa atin. Naging mababa ang tingin ng pinoy sa kaniyang sarili dahil na rin sa naging trato ng mga Kastila sa atin. Kaya tuloy nagkulang ng tiwala sa kakayahan ang iba nating kababayan.
Pumapasok din ang kolonyal na mentalidad na ang produkto ng ibang bansa laluna nga ng Estados Unidos ay superyor kesa sa ating produkto. Matibay ang isteytsayd, ika nga nila. Dala na rin ito ng pagbaha ng mga pelikulang banyaga sa ating bansa na napapanood ng mga kabataan sa ngayon.
Dapat nating iwanan sa kabataan ngayon na ipagmalaki nila ang pagiging pinoy. Tama ka, Stef, ang pagkain ang unang-unang paraan upang makilala ang lahit at kultura. Kailangan pa bang lumayo, “the easiest way to find our culture is through our stomach.” Wala lang nagpapatawa lang po.
Mabuhay ang PINOY kahit saang panig pa ng mundo….
grabe! di na ako nakasali! sadyang abala po akong tunay . . . at magpa sa hanggang ngayon ay naka-draft mode pa lang po ang aking entry (pano ba ita-tagalog mga yun? hahaha!) . . .
maganda ang naging salaysay mo sa edisyon ng lasang pinoy 4.5. kakaiba, bago at dahil sa ito ay isinulat mo sa ating wika, naramdaman ko ng husto ang ibig mong ipahiwatig…
mabuhay ang pagkaing lasang pinoy at ang ating kultura! sya nga pala… ang aking kontribusyon ay makikita dito…
Mabuhay ka! Sana mabasang mabuti ang iyong salaysay ni, what’s-his-name, kung sino man sya (parang he-who-must-not-be-named, haha).
Dapat nga pati wika natin ipag-bunyi din. May mga panukala na naman dito na ibalik ang medium of instruction sa English, para sa mga nagbabalak magtrabaho sa mga call centers. Ahahay, para pa rin tayong d nakawala.
stef,tama ka! maraming lutong pinoy na hindi kilala ng mga kababayan natin,sa katuyan nga mas marami akong natutunan dito sa pinoy foodbloggers natin na hindi ko natutunan sa mga tiya,lola at nanay ko.Kaya naman laki ng aking pasasalamat na may lasang pinoy,sana’y tuloy tuloy na ito at mabuhay kayong lahat!mainam nga kung sarili nating wika gamitin natin paminsan minsan bukod sa naiiwasan ang pagkaliwang nito sa ating mga utak,walang namimintas kung mali mali man ang ‘grammar’ (kitam,hindi ko na alam tagalog ng grammar) hehehe
Susmaryosep! Panay tagalog dito ah. Kailangan ko pang sumisid sa lalim ng mga katagang nakalimbag (hindi libag ha) dito. 😉
kumusta stef? ngayon ko lang nakita itong “round-up” mo! natutuwa akong nakasali ako sa LP 4.5! salamat sa magaling na pagsasalaysay sa ating sariling wika! at sang-ayon ako sa mga sinabi mo tungkol sa pagpapahalaga sa ating sariling kultura, atbp. “God bless!” 🙂
sa hirap ng buhay sa atin, lahat ng mapag kakakitaan susubukan, kaya nga kahit na anong ma kopya kokopyahin… hindi mo ma sisi ang mga kababayan natin brod talagang ganyan na tayo simula ng pinanganak ang ang magulang mo at mga magulang nila nak ugaliaan na yan. Isa pa kung may bago kang idea ma susuportahan mo ba yun kung hirap ka na sa buhay all im saying is lahat yan dala sa kahirapan kung maganda ang buhay ng mga kababayan natin sa pinas kagaya dito sa tate kumikita ng sapat para masuportahan ang buhay nila sigurado yan baka tayo ang gayahin nila